RSS

Category Archives: Kadramahan

Welcome To Your New Home!

Madalas akong emosyonal sa pagba-blog. Dati hindi naman sikat sa kin ang salitang “blog”, though matagal na kong gumagamit ng blog. ¬†Ngayon ko lang lubos na naisip na halos pitong taon na rin pala ang Friendster Blog ko. Hindi ko kilala kung sinu-sino ang nakakabasa o bumabasa ng aking FS blog. Minsan nagugulat nalang ako na may bumabati sa kin tungkol sa ginawa ko. May mga nadra-dramahan. Meron ding mga natatawa. O madalas siguro nako-kornihan.

Hindi malinis ang blog ko. Tulad ko, hindi ito perpekto. Hindi puro positibo ang napapaloob. Madalas mga pagkakamali. Ginawa ko ang FS Blog dahil noong panahong nadiskubre ko to, para akong nakatagpo ako ng bagong kaibigan. Bagong ka-kwentuhan at bagong kasama sa buhay. Ilang papel na rin ang nasulatan ko. Higit sampu na rin ang volume (o notebook) na napuno ko sa pagsusulat. At ito ngayon, ang blogging ang modernong paraan upang maibahagi sa iba ang lahat ng pwede kong ibahagi, may lalim man o wala. May sense man o may sense talaga.

Sa totoo lang, hindi naman ako nagtatawag ng tao upang magbasa ng aking mga ginawa. Ayoko kasi ng expectations sa mga sanaysay ko. Kung meron man akong mga post na shine-share sa facebook, yun lang siguro ang mga bagay na pwedeng maka-relate ang maraming tao. Pero the rest, personal na lang. Hindi ako gumagawa ng blog para kumita, o para magpatawa, o para maging sosyal o para magpasikat. Ginagawa ko to bilang gawain ko lang. Pakiramdam ko kase, parte ng responsibilidad ko ang isalaysay ang mga bagay, tao o pangyayari na dumating sa aking buhay, may pakialam man ang maraming tao o wala. Batid ko naman na anu man ang ilagay mo sa internet ay hindi mo na personal na pag-aari. Pero naisip ko, wala namang mawawala sa pagbabahagi ng mga kadramahan o karanasan sa buhay. Baka nga may maidagdag pa ko sa iba. Ewan ko. Madalas naman hindi ako sigurado.

Naramdaman ko na yata lahat sa friendster blog ko, saya, lungkot, inis, takot, pangungulila, gutom, panghihinayang, paghahanap, pagdiriwang, pamamaalam, pagbabalik, pagtataka, pagtatae, pagkagulat, ispiritwal o temporal. Minsan na rin akong naging biktima ng pagta-traydor. Dahil hindi mo naman alam kung sino sa buong mundo na may internet connection ang nakakabasa ng mga sinusulat mo, mahirap ang manghula. Magiging palaisipan sa una kung sino ang traydor. Pero sa huli malalaman at malalaman mo rin kung sino. Hindi ko alam kung iyon ba ay palatandaan na siya ay isang mabuting kaibigan o dahil gusto niya lang mailigtas ang kanyang sarili habang “technically” pinapahamak niya ang iba.

Kahit ganito na katagal ang Nostalgia, hindi ko pa rin naman masasabi na isa akong masipag na blogger. Hindi naman lahat kasi ng nais kong ilimbag sa blog, natutupad. Minsan isang beses isang buwan lang. O madalas hindi ko na talaga nailalagay o hindi kailangang ilagay. Marami din kasi akong iniiwasan. Lalo nitong mga nagdaang taon. Ayokong maging malungkot.

Malungkot kasi mag-blog.

Ibigsabihin wala kang maka-kwentuhan ng mga panahon na yun kaya kailangan mo pang itala para masabi mo sa ibang tao ang isang kwento na kung totoosin ay pwede namang ikwento lang sa isa.

Pero hindi ko naman nilalahat. Pero sa aking palagay ay ganoon nga talaga. Marami namang outlet ngayon para mailabas ang saloobin. Feeling ko nagawa ko na ang marami dito. Pero patok pa rin sa kin ang mag-blog. Nito lang mula akong nagbasa-basa nga mga lumang blog entries. At ito lang ang nasabi ko,

“Sh*t. Ang drama ko pala.”

Hindi ko alam kung mahihiya ako sa mga pinagsusulat ko ngayong parang may nabago narin sa takbo ng aking pag-iisip. Iba na kasi ang ngayon. Talagang magkaiba ang nakaraan sa kasalukuyan. Maliit man o malaki ang pagbabago, may pagbabago pa rin. At isang malaking salamin sa kin ang mga nagdaang blog post na ginawa ko. Ang mga isinulat ko mula sa nakaraan ay nagpapakilala sa akin ngayon. Sa panahon na nawawala ako sa sarili, para bang naging instrumento ko ang mga naitala ko mula sa nagdaang panahon.

Ganito pala si Alexander Duca. Bukod sa pagiging iskolar ng bayan na hanggang ngayon ay iskolar pa rin ng bayan, ay iskolar pa rin siya ng bayan.

Na bukod sa pagiging magaslaw, maingay at malandi niya sa publiko, ay talagang magaslaw, maingay at malandi talaga siya sa publiko.

Na bukod sa pagiging madaldal, matakaw at malaki ang tyan, ay talagang madaldal, matakaw at malaki talaga ang tyan nya.

At hindi natatapos ang mga iyon.

Kamakailan ay nabalitaan ko na magkakaroon ng malaking pagbabago sa Friendster. Inanyayahan ang lahat ng users na idownload ang lahat ng files nila pati ang blog. Nitong nagdaang mga araw ay paulit-ulit ako sa pagdownload ng FS blog ko, pero hindi dumarating ang .xml blogger file. Ngayong narealize ko na hindi gumagana ang blog exporter for blogger, napilitan akong pag eksperimentuhan ang wordpress. Sa madaling sabi, nakagawa ako ng wordpress account at matagumpay kong nailipat ang mga lahat ng meron sa FS blog ko patungo rito.

Ito ngayon ang bagong tahanan ng Nostalgia.

Advertisements
 
1 Comment

Posted by on May 28, 2011 in Kadramahan