RSS

Sa bilang na sampu…

20 Jul

Heto na naman tayo.

Nagkita tayo ulit matapos ang matagal-tagal na panahon. Pasensiya ka na. Madalas, naaalala lang kilang bisitahin sa mga panahong para bang tumigil ang mundo. Sa mga panahong parang yung bigat ay hindi mo kaya mag-isa. At ang kalungkutan mong taglay ay hindi mapapawi ng kahit anong payo sa mundo.

Ito na naman ako sa mga kwento ko. Tumanda nalang na laging nasusugutan dahil sa mga desisyong hindi pinag-iisipan. Sinubukan kitang takasan dahil akala ko masaya na ko. Pero may katapusan talaga ang lahat. Minsan yung pagtatapos, gugulatin ka. Minsan yung pagtatapos, darating sa panahon na hindi ka handa. At iyon ang masakit. Masakit ang mga pagtatapos sa maraming bagay, pero wala nang mas masasakit pa kung ang pagtatapos ay dumating sa oras na ayaw mo pang matapos ang lahat. Magugulat ka nalang, pagkagising mo isang umaga, wala na ang lahat.

Wala ka nang magagawa. Pinilit mong ayusin. Pinilit mong saluhin ang natitirang pag-asa. Pero hindi mo kaya mag-isa.

Masaya siyang pumasok sa buhay mo noon. Hinayaan mong baguhin niya ang takbo ng araw-araw mo. Hinayaan mong hilumin niya ang sugat ng iyong nakaraan. Hinayaan mong mangibabaw ang pangangailan ng karamay sa lahat ng oras.

Natuwa ka ulit sa pag-ibig.

At naging maayos ang lahat. Pero kahit papaano, sa likod ng utak mo, alam mong hindi pangmatagalan ang katuwaang yon. Anumang oras, may pagbabadya. Sa kabila ng saya at bawat pagkikita, alam mong dapat mong pahalagahan ang lahat ng detalye.

At ngayon, marahil natapos na ang kasiyahang naramdaman niya sa simula, kaya’t aalis na siya sa kwento ng buhay mo. Maaring napuno siya ng pagdududa. Maaring napagod. Maaring napansin niya na ang sarili niyang mundo ay hindi na gumagalaw sa sarili nitong mga paa. Maaring nawalan siya ng tiwala, tiwala sa sarili at tiwala sa kung anong meron kayo. Maaring kailangan rin niya ng bagong simula. Maaring nalimutan na niya ang sarili niya. Maaring napuno siya ng galit, at hindi na niya maramdaman o maalala na mas mahalaga pa rin ang pag-ibig kaysa sa kahit anong pagkakamali na magagawa niyong dalawa sa isat-isa.

At wala ka ng magagawa. Dahil ang pag-ibig ay isang malaking sugal. Maaaring tinaya mo ang lahat. Maaring binigay mo ang mga bagay na maari mong ihandog. Ngunit sa isang maling galaw, maiisip mong parang kulang pa rin ang lahat ng nilabas mong baraha. Gusto mo pang magmahal, ngunit hindi na niya matatanggap ang kung ano pang pagmamahal na kaya mong ibigay.

Maaring hindi ka naniniwala na ang pamamaalam ang solusyon, dahil nakakapit ka pa rin sa pag-ibig. Pinipilit mong ayusin ang mali. Pero wala ka nang magagawa kung handa na siyang magsara ng libro.

At hindi mo alam kung para saan pa ang pagpapatawad.

Sa huli, pwedeng ikaw ang talo o siya. Pero walang makakapagsabi nun. Dahil ang lahat ay magiging ala-ala nalang sa isa o dalawang pahina ng mahaba mo pang buhay. Puno ng sorpresa at pamamaalam. Ngunit kailangan mong maging matatag. Dahil sa pagtatapos ng araw, maiisip mong kahit papaano, umibig ka ng wagas at walang panghihinayang, na kahit papaano minahal ka ng totoo at pinaramdam sayo na sa mundong ito, kayo ang pinagtagpo upang maghati ng mga masasaya at makukulay na karanasan, nag magtuturo sa iyo ng maraming bagay, na kahit papaano hindi mo susumbatan ang sarili mo na hindi ka natakot sumubok magmahal.

At magpapasalamat ka pa rin dahil dumating siya ng buhay mo. Nagpasaya. Nagpatawa. Nagpaluha. Na minahal ka sa abot ng kanyang makakaya. Nang tapat at totoo.

Maaring aasa ka na babalik siya. Na maiisip niyang hindi ka perpekto. Na maiisip niyang mas nababantayan niya ang mga pagkakamali mo, kesa sa nababantayan mo siya. Pero iyon ang pinakamaliit na hibla na nasa isip mo ngayon, ang umasa.

Pero kahit sa maikling oras, naramdaman mong hindi ka nag-iisa. Ngayon, maaring bagong simula o di kaya’y babalik ka lang sa dating ikaw. Wala pang makakapagsabi. Pero ang pinakamagagawa mo lang ay hayaang hilumin na naman ng panahon ang lahat ng ito.

Advertisements
 
Leave a comment

Posted by on July 20, 2013 in Uncategorized

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: