RSS

Monthly Archives: August 2011

Pag-ibig At Wala ng Iba

Pero may pag-ibig talaga na hindi pwedeng ipagsigawan sa buong mundo.

Ito yung uri ng pag-ibig na puno ng panganib, nababalot ng misteryo at walang kasiguraduhan. Ito ang uri ng pag-ibig na matagal inaasam ngunit minsan lang sa buong buhay makamit. Ito yung uri ng pag-ibig na alam mong hindi mapapasayo hanggang sa huling araw ng iyong hininga. At tila ba pinagbibigyan ka lamang ng tadhana ng karanasan na sa dulo ng iyong buhay ay babalik-balikan mo bilang isang masaya, makulay at mapait na ala-ala.

May pag-ibig na sa kabuoan ay masakit ngunit sa bawat detalye ay puno ng mga matamis na kwento. Ito yung pakiramdam na minsan sa buhay mo nalaman mong pwede kang magmahal, at pwede kang mahalin bilang kapalit, hindi ka susumbatan ngunit ipaparamdam sayo ang iyong kahinaan, palalakasin ka sa oras na tila ba ika’y nag-iisa at sasamahan ka hanggang mag-umaga. Ito ang pag-ibig na pang matagalan ang epekto ngunit hindi pwedeng pang habambuhay.

Ito yung pag-ibig na nais mong ipaalam sa lahat ng tao ngunit hindi mo pwedeng ikwento sa lahat. Ito ang pag-ibig na kaunti lamang ang nakakaintindi. Ito ang pag-ibig na mas titibay kung ililihim, kung pananatilihing sa isang maliit na mundo na walang matang mapanghusga, walang opinyon, walang mga mapanakit na salita at walang pagtatakwil. Ito yung uri ng pag-ibig na kakasya lamang sa mundo ng dalawang tao. Wala ng iba.

Wala ng iba.

Wala ng iba.

May pag-ibig na mahirap ilihim, ngunit mas madaling itago, madaling ipaglandakan, ngunit mahirap ipaliwanag kung bakit at paano nangyari. Ito yung pag-ibig na hindi sa labas ng tahanan kadalasang nagaganap. Ito yung pag-ibig na nabuo mula sa pagtakas sa mundong makasarili. Ito yung pag-ibig na malaya, masaya, mahinahon, mapagmasid, mapagbantay, kadalasan mapagpanggap. Ito yung uri ng pakiramdam na gusto mo lang umibig at wala ng iba. Wala ng mahabang paliwanag. Wala ng kumplikadong sitwasyon. Ito yung pag-ibig na pag-ibig lang. Puro. Matiwasay.

Ito yung pag-ibig na hindi mo alam bakit nga ba nagaganap at kung saan kayo dadalhin. Ito yung uri ng emosyon na ang alam mo lang ay tumitibok ang puso mo at gumigising ka dahil alam mong may pag-ibig ka sa iyong puso. Yung nabubuhay ka hindi para sa sarili mo, kundi para sa pag-ibig. Ito yung matutulog ka dahil alam mong bukas ay may pag-ibig ka pa rin at pakiramdam mo walang katapusan ang pag-ibig na iyon. Walang kapaguran. Walang pagpapagal. Pag-ibig na walang kabusugan. Pag-ibig na laging naghahanap ng kasagutan. Pag-ibig na naghahanap ng puwang. Pag-ibig na para sa iyo.

Ito yung pag-ibig na wala kang magawa kundi umibig lang. Hindi mo kailangan ng yaman, opinyon, pananaw, payo o tulong. Ito yung pag-ibig na kailangan mong lasapin sa bawat oras dahil alam mong nauubos. Ito yung pag-ibig na natatapos. Ito yung pag-ibig na hindi nagtuturo ng kabanalan, ngunit nagtuturo ng pag-ibig na higit sa mga banal.

May pag-ibig na pag-ibig lamang. Isang pag-ibig na matiwasay, payapa, mapagmasid, matibay at walang ibang nakakaalam. Handang matapos sa takdang panahon. Pag-ibig na makasarili sa loob lamang ng maikling panahon. Pag-ibig na handang magparaya alang-alang sa iba pang pag-ibig na darating. Pag-ibig na wala sa mali o tama. Kundi pag-ibig lamang.

At wala ng iba.

Wala ng iba.

Advertisements
 
1 Comment

Posted by on August 14, 2011 in lovelife

 

Aspillaga Family

Ito ang Aspillaga Family.

Isa ito sa mga dahilan kung bakit isang  malaking parte ng buhay ko ang  minsang pagiging full-time missionary. Ikaapat na taon na mula ng  mabinyagan sa Simbahan ang  Aspillaga  Family. Tanda-tanda ko pa  rin  kung ang  unang araw na nakilala  naming  mag-companion (Elder Ang) si  tatay  Rogelio Aspillaga hanggang sa  araw na  tuluyan nilang tinanggap ang  dala  naming mensahe sa kanilang buhay.

Hindi kami patungo sa bahay nila ng araw na iyon. Sa kapitbahay nila sana kami papunta para sa isang return visit. Ngunit nataong walang tao ang bahay na sinadya namin at dahil sa patuloy ang aming pag-tao-po, napansin kami ni tatay Rogelio na nung araw na yon ay nagpapahinga lamang. Sinabi nya sa min na umalis ang may-ari ng bahay at wala kaming makakausap doon. Dahil sa mabuting makikipag-usap ni tatay Rogelio sa aming mga missionaries, nagpatuloy ang aming simpleng kwentuhan sa imbitasyong makinig ng aming mensahe.

Batid ko at ng aking companion na bilang Padre de Pamilya, napakahalaga ng pamilya para kay tatay Rogelio, at dahil para sa pamilya ang pinaaabot naming balita ito ang naging pinakamalaking dahilan upang tuluyang magpakita ng interes si tatay na makinig sa amin. Naging isang masugid na tagapakinig ng aming lesson si tatay na para sa kanya ay tila ba isang bago at napakahalagang balita ang malamang bumalik na ang kabuoan ng ebanghelyo ni JesuCristo dito sa lupa sa pamamagitan ni Joseph Smith. Agad niyang tinanggap ang aming imbitasyon na basahin ang Aklat ni Mormon at ang aming hamon na magpabinyag sa Simbahan sakaling dumating ang panahon na malaman niya sa kanyang sarili sa pamamagitan ng pagsaliksik at panalangin na totoo ang binigay naming aklat at totoo ang aming mensahe.

Nang mga sumunod na pagkikita, inimbitahan   ni tatay ang kanyang maybahay na si ate Juvy na makinig sa aming tinuturo, gayundin ang kanyang mga anak. Unang naging medyo mailap sa amin si ate Juvy ngunit patuloy din siyang nakinig kasama ang kanyang asawa. Walang paanyaya na hindi nagkulang si tatay. Agad siyang sumama sa amin sa pagsisimba, patuloy siyang nanalig sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon at sa hamon na itanong sa Diyos kung ito ay totoo. May mga pagkakataon din na kahit hindi pa man ganap na miyembro si tatay ay sumasama na siya sa amin sa gawaing misyonero. Respetadong pulis si tatay Rogelio sa maliit at payapang probinsya ng Dipaculao, Aurora kaya naging malaking tulong siya sa amin upang makahanap ng mga tao na handang makinig ng aming mensahe. Itinuro niya sa amin ang ilan sa kanyang kamag-anak at kaibigan. Naging mainit naman ang kanilang pagtanggap sa amin, ngunit masasabing marami sa kanila ang hindi pa handa upang tanggapin ang pinanumbalik na ebanghelyo. Gayunpaman, patuloy ang ispiritwal na pag-unlad ni tatay kasama ng kanyang pamilya.

Nagkaroon kami ng mga family home evening at inaanyayahan namin si tatay at ang kanyang misis sa mga aktibidad sa simbahan gaya ng CSP o Community Service Projects. Naging istrumento din sila at ang kanilang umuusbong na patotoo upang patuloy na lumago ang gawaing misyonero sa kanilang lugar. Natuto silang magdasal bilang mag-anak at magbasa ng mga Banal na Kasulatan bilang pamilya. Sabay-sabay nilang higit na nakilala at Tagapagligtas at ang Ama sa Langit. Natuklasan nila na maari silang magkasama hanggang sa buhay na walang hanggan bilang mag-anak sa pamamagitan ng mga biyaya sa templo. Hindi naging hadlang kay tatay Rogelio ang mga pag-uudyok ng ilang kakilala na huwag nang makinig sa aming mga misyonero. At dahil wala rin siyang bisyo maliban sa kape, naging madali ang kanyang pag-unlad katuwang si ate Juvy at ang kanilang mga anak.

Di naglaon, tuluyang natanggap ni Tatay Rogelio Aspillaga at ng kanyang mag-anak ang ordinansa ng pagbibinyag at kaloob ng Ispirito Santo noong August 4, 2007. Ginanap sa Baler Chapel ang pagbibinyag na pinangunahan ng President Larona ng Dipaculao Branch. Isang maaliwalas na araw iyon. Bilang misyonero, napakasaya ko ng araw na iyon – masasabing isa sa pinakamasasayang araw ng buhay ko. Hindi ko makakalimutan ang naramdaman ko sa araw na nagsimula ang paglalakbay ni tatay at ng kanyang pamilya patungo sa buhay na walang hanggan bilang mag-anak.

Noong mga panahong naghahanda pa lamang ako upang maglingkod, malakas ang naging pakiramdam ko na may mga taong naghihintay sa akin. Feeling ko noon, may mga nilalang o kaluluwa na nakatakdang madala sa ebanghelyo ni JesuCristo sa pamamagitan ko. At napatunayan ko yan. Kabilang si tatay at ang kanyang mag-anak sa mga indibidwal at pamilya na nagsilbing buhay na ebidensya ng malakas sa pakiramdam ko noon, na nagtatakda ang Ama sa Langit ng mga tao na handang makinig sa Kanyang mensahe. Isang bayan na simple ang pamumuhay at puno ng mga mabubuting tao ang Dipaculao, Aurora – ang unang area ko sa mission at nagsilbing pangalawang tahanan ko na.

Isang buwan matapos mabinyagan ang pamilya Aspillaga, nalipat na ko ng ibang area. Malungkot ang naging pamaalam ko sa mga miyembro ng Dipaculao, ganun din sa mga naiwan naming tinuturuan. Minahal ko ang mga tao doon at naramdaman ko din ang kanilang pagmamahal sa akin bilang indibidwal at bilang misyonero na masayang naglingkod sa kanila.

Kahit nasa ibang lugar, patuloy akong nakatanggap ng magagandang balita tungkol sa mag-anak ni tatay. Sa kabila ng mga problema at pagsubok sa kanilang buhay at gayundin sa branch, patuloy silang naging matatag sa pananampalataya. 2009 nang muli kong binisita ang Dipaculao, marami ng nagbago, ngunit masaya pa rin ang buhay sa probinsyang iyon. Sa pamilya nila tatay Aspillaga ako nakituloy sa 4 na araw kong pagbisita.

Sa ngayon, naglilingkod si tatay Rogelio bilang Branch President ng Branch. Marami mang hamon sa kanya, sa kanyang pamilya at sa branch, batid ko ang napakatibay na patotoo ng Pamilya Aspillaga upang maging mabuting ehemplo sa mga nauna at bagong miyembro ng Simbahan ni JesuCristo ng mga Banal sa Huling Araw sa Dipaculao, Aurora.

 
Leave a comment

Posted by on August 4, 2011 in Uncategorized