RSS

Monthly Archives: November 2009

The Bigger Picture

1. Hindi mo alam kung sinong nagbabasa ng blog mo.

2. Hindi mo alam kung paano yun nalalaman ng iba habang hindi mo alam.

3. Lahat accountability mo.

4. Wala kang masabihan dahil hindi pwede.

5. Ang tama ay tama. Ang mali ay mali.

6. Magsusumbong ka ulit? Gawin mo.

7. Trust. Isang beses lang yan dumating sa buhay. Pag nawala, hindi na babalik. Isang babala.

8. Alam nila ang pakiramdam. Pero hindi nila yon lubos na maiintindihan.

9. HIndi sapat na malungkot ka lang.

10. Ang solusyon? Ang paniniwalang lilipas din ang lahat.

Advertisements
 
Leave a comment

Posted by on November 8, 2009 in Uncategorized

 

CLIMAX

Hindi ko alam kung nasaang parte na ko ng kwento. Hindi ko masabi kung nasa kalagitnaan na ba, nasa dulo na ba, o nasa simula palang ang kwentong yon. Ang malala, baka hindi pa lubusang nagsisimula ang kwento.

Nakakapagod naman magdrama. Puro drama nalang ang laman ng blog na to. Puro pagod na salita. Puro mga pananaw ng nalulungkot na isip at nalilitong puso. Oha. Nakakatawa dahil minsan kahit ilang beses ko pang marealize ang mga bagay-bagay, madalas matigas pa rin ang ulo ko. Nauuwi pa rin sa gulo o kamalasan ang lahat.

Sa ngayon, mas madalas na wala na kong pakialam. Marami na kong nalilimutan. Lalo na pagdating sa petsa, mga deadline, mga okasyon, kahit araw minsan hindi ko namamalayan na lumilipas ng ganun kabilis. May planner nga ako pero madalas nagmimistula lang iyong isang bodega ng mga natapos na pangyayari, mga inaamag na plano, mga kaganapan na hindi ko naman sigurado kung pupuntahan ko nga o kung may kinalaman ba ko o kung may pakialam ba ko dun o kung may pakialam ba sa kin ang kaganapan na yon.

Sabi ng besfren ko, nakikita sa mata ko ang kalungkutan. Hindi naman kami nagkakatitigan pero madalas yun ang bukambibig niya pag nagsisimula nang maging emosyonal ang usapan namin. Pero sa totoo lang, marahil tama siya. Hindi ko rin napapansin na madalas pala ay tameme ako. Mas madalas akong mag isip ng malalim. Mas madali akong mainip. Pero sanay naman ako na maghintay. Palagi akong naghihintay. At malungkot ang maghintay na hindi mo alam kung darating nga ang hinihintay mo.

Napapako ang isip ko sa malayo. Nasanay na ko mag munimuni na walang positibong resulta. Puro munimuni lang. Sinisisi ko ang mga nangyari na hindi na pedeng itama dahil tapos na. Palaging nasa utak ko ang “bahala na ang bukas”. Oh kaya naman naging prinsipyo ko na ang “ganun talaga eh”. Narealize ko, pag palaging nangyayari sa yo ang isang bagay, hindi mo na napapansin ang pagbabago. Mukhang baligtad pero ganun ang napapansin ko. Kapag paulit ulit ka sa ginagawa mo, maghahanap ka ng bago. At kapag dumating na ang pagbabago, hahanap hanapin mo naman ang iyong naiwan.

Sa totoo lang, hindi ako masunurin. Matigas ang ulo ko sa bahay. Matigas ang ulo ko sa trabaho. Matigas ang ulo ko sa Simbahan. At nagmamatigas minsan sa eskwelahan. Ewan ko kung bakit liberal ako mag isip. Hindi ako takot sa mangyayari dahil para sa kin, karanasan yon. At buhay ka pa rin bukas. May mga bagay na mawawala bunga ng maling desisyon pero maiisip mo na pagkatapos nun, malakas ka na.

Karamihan naman sa tin, lagi sinasabi na “akala niyo lang masaya ako”. Pero ganun talaga. Ayoko sa lahat yung patapos na ang pangyayari. Kasi alam kong mag uuwian na at maiiwan na naman akong mag isa. Pagkatapos maiisip ko na naman ang mga kaguluhan sa loob ko. Tila ba walang katapusan ang teleserye sa loob ng katawan ko. Paulit ulit. Halos parang hindi na ko makatakas.

Masayahin ako kung masayahin. Pero sa kabila noon, naiisip na isa akong masamang nilalang. Naranasan ko na yata ang isa sa pinakamalaking kabiguan. Hindi yun lovelife. Hahaha. Kahit kailan hindi ko na pinobrelma ang lovelife. Parang alapaap lang yun. Magkakasala lang ako. Hindi rin yun tungkol sa mission ko. Nakakatawa dahil marami na ang nakakapansin. Basta ang alam ko, may nametag akong isa. Wala man akong karapatang isuot muli yon, puno naman yun ng masasayang ala-ala. Pag sinabi kong “masasaya” hindi yun puro tawanan at binyag. Kasama dun ang iyakan at hiwalayan ng companion.

Hanggang ngayon, hindi ko alam kung nasaan ako. Kung ipapaayos ko ba ang bahay, kung bibili ng sarili kong laptop, kung magreresign na bago pa ko tuluyang iterminate, kung lilipat na ba ko ng ibang Simbahan, o tuloy lang sa pag-aaral kahit wala akong kasiguraduhan na matatapos ko lahat ng suubjects ko in 2 years. Hindi ko alam kung nasaang mapa na ko ng aking talambuhay.

Bata pa naman ako ngayon sa edad na 22. Wala akong karapatan na magsabi na pagod na kong mabuhay. Pero hindi ko maiwasan na magtanong. Hindi ko maiwasang magtaka at paulit ulit na siyasatin ang sarili. Mabagal ang pagbabago ko. O siguro, wala paring nagbago sa kin. Sayang lang ang lahat ng effort ko nang mga nagdaang panahon para baguhin ko at labanan ang mga kahinaan. Madalas naiiwan pa rin akong mag isa.

Nakasabit sa jeep. Naghihintay ng tawag. Naghihintay lumampas ang emblems sa sacrament. Naghihintay ng susunod na subject na ibabagsak. At naghihintay ng muling pagkakataong mahuli ulit at malagutan ng hininga. Hindi ako iyakin at para bang sanay na kong magbuhat ng mabibigat na dalahin.

Masama ang naging impluensya ng pagkaligaw ko sa kwento na hindi ko na naaalagaan. Ang pagiging sanay ko sa sitwasyon ay kumukulong at pumipigil sa kin salubungin ang bagong pahina ng susunod kong kwento. Maginaw na ang hangin dahil malapit na ulit ang pasko.

At heto pa rin ako. Magkikita na naman kami ng buwan ng Disyembre at makikita niyang pareho parin ang suot ko tulad nung nakaraang taon. Alam ko malulungkot siya. Wala na kong ibang dala kundi ang pagkainip. Minsan maiisip ko isang araw na ang lahat ng ito ay pagsasayang lang. Naiintindihan mo ba kung sasabihin ko na sayang ang mga araw na lumipas?

Hindi. Basta hindi mo alam kung nasaan na ang jeep na sinasakyan mo, hindi mo malalaman kung kailangan mo na bang bumaba or pwede ka pang matulog ng matagal.

Ganun lang ang buhay. Temporal at Ispiritwal, wala kang takas. Laging may matang nakatingin sayo. Lagi kang masama. Lagi kang mabuti. At kahit hindi ka nila kino konpronta, may tanong sila sa isip sa tuwing makikita ang mukha mo. At wala kang choice.

Kundi ang ituloy ang kwento may pakialam ka man o wala. Tulad niyan hindi ko alam kung anong aral ng entry na ito. Wala kasi akong makausap. Kahit ako hindi ko alam ang kahulugan ng mga sinusulat ko. Lumalabas lang sila ng kusa.

Pagod na ko mag type. At sana isang araw mas luminaw ang paningin ko upang mabasa ko ng mabuti kung nasaang parte na ba ko ng aking sariling aklat.

 
1 Comment

Posted by on November 7, 2009 in Uncategorized