RSS

Monthly Archives: September 2009

SINO SI ONDOY?

Katatapos lang ng bagyong Ondoy. At kasamaang palad, naabutan niya ko sa labas ng bahay.

Dahil sa bagyo, naudlot ang 3-day shoot ng project naming music video. Naging napakahirap ng unang araw ng trabaho dahil sa maulan at malamig na panahon at sinabayan pa ng kung anu-anong problema na hindi namin inaasahan. Sa bandang huli, nairaos naman namin ang unang araw at tumuloy sa isang kaklase na nakatira malapit sa SIkatuna Village. Doon kami nagpalipas ng gabi.

Pero sa kasamaang palad, hindi rin kami nakauwi agad dahil sa nagbabadyang tindi ng bagyo. Napag alaman ng grupo na natabunan na ng baha at mga kalsadang dadaanan namin upang makauwi. Nalibing kami sa ilalim ng bagyo ngunit maswerte na rin ligtas kami sa bahay nila Emjay, ang assistant director ko sa project. Nagpasya kaming kinabukasan na ng umaga, linggo, kami uuwi.

Maagang nagsigising ang lahat. Karamihan o halos lahat kami, sabik nang magpahinga sa kani-kaniyang bahay. Makulimlim ang umaga pero sapat na upang asahan ko na ligtas at madali akong makakauwi sa Antipolo.

Pagdating sa Anonas, isang konduktor ang sumigaw na may matinding traffic na nag aabang sa may Katipunan. Kasabay ng tatlo kong kagrupo, sumakay na kami ng LRT upang makasigurong hindi kami maiipit sa inaasang trapiko. At tama ang naging pasya namin. Mula sa umaandar na tren ay tanaw na tanaw ang mga nakapilang sasakyan na patay na ang mga makina sa kahihintay na umusad.

Bumaba kami sa Santolan Station.

Mula roon, isang makasaysayang paglalakbay ang nagsimula.

Napuno ng putik ang kalsada, tanda iyon na ang buong kalye ng MArcos Hway ay nalubog sa baha. Dahil madulas kahit ang aspalto, naghubad na ko ng tsinelas. Ganoon din ang ginawa ng mga kaklase ko. Tinahak namin ng naka yapak ang kahabaan ng Hway na yun hanggang sa makarating kami sa Sta.Lucia mall. Sa pagkakaalam ko, may kalayuan ang Santolan at Sta.Lu, pero hindi ko alam dahil para bang biglang umikli ang daan.

Patuloy ang paglalakad ng mga tao. Maingat at nagmamasid ang lahat. Pabalik-balik ang mga helicopter sa himpapawid. Kahit bakas ng trahedya ang kalsada na araw araw ay abala, nagawa pa rin naming mag picturan ng mga kaklase ko. Tutal, mag picturan man kami o hindi, wala namang pagbabagong mang yayari.

Naghiwahiwalay kami sa may bandang Sta.Lucia. Naiwan ako mag isa na susuong sa nakaambang baha na di umanoy abot hanggang junction. Patuloy akong naglakad. Nagagamit ko pa ang cellphone ko ng mga oras na iyon upang makibalita sa mga kaibigan ko na naipit din ng bagyo mula pa kahapon. Sa patuloy na paglalakad kasabay ng mga publikong sabik ng makarating sa kani-kanilang mga tahanan, naramdaman ko na unti-unti naring umaakyat sa binti ko ang hangganan ng baha.

Lalaki, babae at mga bata, apektado ng delubyo na hindi inaasahan ng lahat. Walang sasakyan ang makakilos. Kahit ang mga truck na pambuhangin ay inangkasan na ng mga tao makatwid lamang sa baha, pero sa tingin ko hindi sila nagtagumpay. Habang tinatahak ang bahang hanggang tuhod, patuloy lang ang pagmasid ko. Walang kuryente ang paligid. Agawan sa bilihan ng makakain ang mga tao. Sirado ang mga ATM kaya malas dahil hindi narin ako nakakuha ng pera. Nasalubong ko sa daan si Robert, isang ka grupo na maagang umalis kagabi para sunduin umano ang na stranded na girlfriend sa may Ever Ortigas. Kahit siya hindi pa nakarating sa pupuntahan nya kahit magdamag na ang lumipas. Pabalik na siya sa Sta.Lu ng makasalubong ko pero ng magkita kami, pinili ulit niya bumalik at subuking lampasan ang baha sa may Karangalan. Nagtangka kaming sumabit sa truck. Umandae iyon ng onte at hindi na nasundan pa kahit ng kaunting pag usad. Nakaharang kasi sa daan ang mga nalunod na sasakyan. Dahil halos kalahating oras na kaming naghihintay na umusad ang truck, bumaba kami ni Robert at naglakas loob tawirin ang baha ng mano-mano.

Marami kaming kasabay na tao. Marami rin ang pabalik. Paulit ulit nila kaming binalaan na lampas tao ang baha sa di kalayuan kaya nagpasya silang bumalik nalang. Pero hindi na kami nagpa apekto. Maya-maya, ramdam ko na literal na tumataas na ang baha. Umabot sa bewang. May mga tali na ginawa sa pagitan ng mga poste sa gilid ng kalsada. Malaking tulong narin upang labanan ang agos ng baha.

Nabasa na rin ang bag ko. Wala na rin akong pakialam kung basa na rin ang cp ko. Nakakapagtakang hindi ako nakaramdam ng gutom. Patuloy ang pag usad ng mga grupo. Kung sino-sino na rin ang nakilala namin sa daan. Ang iba ay mga estudyante na nagpalipas na ng gabi sa junction o LRT, ang iba naman galing sa trabaho. Kapit-kapit.

Para bang nagising nalang ako isang umaga na ang dating abalang lansangan ay nagmistulang isang malawak na dagat.

Palalim ng palalim ang tubig. Nakaramdam ako ng takot. Madalas nauuna si Robert sa kin pero sinikap kong sumabay sa mga grupong lumulusong para kahit papaano may makakapitan ako. Malakas ang agos ng baha sa ibang parte ng kalsada. Yun ang delikado.

Nabunggo ako sa batong nakaharang sa gitna ng kalsada na tinataniman ng mga halaman, dahilan upang magasgasan ang aking tuhod. Humingi ako ng tulong sa lalaking dumaan sa gilid ko dahil tyak tatangayin ako ng alon kung ala akong kakapitan. Nagpapadagdag sa aking kalbaryo ang basang bag at plastic na may lamang rubber shoes at maong. Wala akong ibang nagawa kundi gayahin ang nakararami at ipatong ang mga bagahe sa ulo ko.

Magkahalong kaba at pagod ang naramdam ko habang pinagmamasdan ang mga matatandang babae na tinutulungan ng mga lalaking nakatira sa paligid ng kalye. Maririnig mo ang hiyawan at paghingi ng tulong. Parang pelikula. Nasaksihan ko ang tunay na pilipino sa oras ng pangangailangan. Mahirap pero ligtas pa rin ang mga kasabay ko. Nang mga panahong iyon, hindi ko alam kung bakit ayokong makakita ng larawan ng kahit anong pulitiko.

Isang lalaki mula sa malayo ang sumisigaw ng “Ito ang bagong Cainta! Ito ang bagong Cainta!” Ang tanong ko lang sa sarili ko, bakit walang tulong mula kapulisan o mula sa gobyerno? Naisip ko nalang siguro na mas kailangan sila sa ibang parte ng Cainta.

Hindi ko na namalayan ang oras. Lumampas din kami sa may Karangalan Village at sa may Macro. Hindi nawala ang baha pero kampante na ko malapit na rin ang Junction. Dumagsa na rin ang bentahan ng bottled water at biskwit na nag magic ang mga presyo. May namataan pa kong nagtitinda ng bangus sa gitna ng kaksada. May mga kabinataan din na naglabas ng airbed at nag alok ng sakay sa isang amerikana, na pinatulan din niya.

Sa Junction, magulo pa rin ang sitwasyon. Kalat kalat ang mga sasakyan at maputik ang kalye. Akala ko tapos na ang baha, pero mali ako. May Season 2 pa pala ang pagsuong ko kay Ondoy.

Nang makaramdam ako ng permanenteng katuyuan sa kalsada, nakatanaw na ko ng Jeep patikling. Sa pagod parang gusto kong manapak. May isang binatilyo na ayaw yatang madikitan ng basa. Inisip ko nun na isang kibot lang nito bugbog to sa kin. At seryoso ako dun.

Tanghaling tapat ng makauwi ako sa Antipolo.

 
Leave a comment

Posted by on September 30, 2009 in Current Affairs