RSS

Monthly Archives: July 2009

Ngayon. At Wala Nang Iba.

Tinuturo sa Simbahan ang tinatawag na eternity.

Ito yung doktrina na patungkol sa buhay na walang hanggan. Sa madaling sabi, ang buhay natin dito sa mundo, ano man ang naging mga pagpili o desisyon natin habang tayo ay nabubuhay bilang mortal ay ang magiging basehan ng kalagayan ng ating kaluluwa sa buhay na darating.

At naniniwala ako doon.

May mga pagkakataon sa buhay ng tao, minsan o madalas, na nalilibing tayo sa nakaraan. May ilan na ang hinaharap agad ang nasa isip. At mayroon naman na tanging ang kasalukuyan lang ang inaatupag. Yun ang gusto kong pag usapan.

Madalas nakabase ang ating mga desisyon sa anu mang resulta na ibibigay ng kinabukasan. Syempre, ano man ang mga pagpili natin sa ngayon ay maghahatid sa kapalaran natin sa hinaharap. Yun ang turo. Yun ang dapat.

Pero para sa akin, hindi laging ganoon.

Minsan darating sa buhay ng tao na hindi na mahalaga ang hinaharap. Minsan dumarating sa isip ng isang indibidwal ang paniniwalang ang kasalukuyan ang pinakamahagang aspeto ng buhay. Ito yung mentalidad na hindi mo gugustuhin pa ang katapusan ng kwento dahil ang mahalaga lang sa iyo ay ang kasalukuyang nagaganap. Nagdadala yun ng kakaibang kasiyahan sa isang tao. Pero ang mahirap isipin ay ang katotohanan na darating sa punto na kailangan mo pa rin harapin ano man ang maging bunga ng mga pinili mo sa kasalukuyang iyon.

Para bang ang bukas ay darating masaya ka man o hindi. Hinahanda mo ang sarili sa realidad na ang kaaway mo sa laban ay susugod sa mga susunod na araw. Kahit walang patutunguhan ang lahat, gagamitin mo ang mga kasalukuyang oportunidad upang maging masaya. Kahit ang kaligayahan na iyon ay pansamantala lang, naiintindihan mo sa iyong sarili na ang mahalaga pa rin ay ang kasalukuyan, na kahit minsan sa buhay mo ay tumakas ka mula sa batas upang pagbigyan ang iyong sarili.

Sa maikling panahon, magiging bulag ka sa pagitan ng tama o mali. Manghihina ka dahil pakiramdam mo wala kang kakampi kundi ang desisyon mo. Mabubuhay ka sa kalituhan dahil ang kaligayan na gusto mo ay hindi mapapa sa iyong kamay kahit kailan. Kaya pahahalagahan mo nalang ang kasalukuyan hanggang sa panahong maubos ito.

Tatakas ka saglit. At haharap ka sa katapusan na buo ang loob kahit balot ng kalungkutan. Makikisabay ang panahon sa iyong pag iisa. Maaring pumapatak ang ulan sa bubungan ng bahay na walang kisame. At iisipin mo na sa loob ng iyong sarili ay may matinding bagyo. At ang tanging kakampi mo ay ang mga bulong at panalangin mo sa iyong sarili. Darating sa punto na halos ilibing mo na ang iyong sarili sa mga tanong na hindi mo mahanap ang sagot, o kaya naman hindi mo lang matanggap ng buo.

Hindi lahat ng tao naniniwala sa pilisopiyang “bahala na”.

Hindi lahat ng makakabasa nito maiintidihan ang ibig kong sabihin. Pero ano man ang kahihinatnan ng kalagyang panahon, ang mahalaga pa rin ay nabubuhay tayo sa kasalukuyan at hindi tayo nakalibing sa nakaraan o nakikipag unahan sa hinaharap. Patuloy tayong masasaktan. Malulungkot. Malilito. Tatawa habang nagpapanggap.

Pero bukod dun magigising ka isang umaga na ganito ka ngayon.

At ang kasalukuyan pa rin ang magsasabi na minsan sa iyong buhay, naranasan mo yun. Natuto ka. At kung sino at ano ka sa kasalukuyan ay ang magiging basehan mo sa mga susunod na bukas.

Advertisements
 
2 Comments

Posted by on July 9, 2009 in Uncategorized