RSS

Monthly Archives: June 2009

Tulaan sa Tren

Matagal na ang huli kong pagsakay sa LRT.

Kolehiyo ako noon sa isang unibersidad sa Manila at hindi ko maitatanggi na parte na ng araw-araw na byahe ko ang malamig na tren na nagsisimula sa estasyon ng Santolan. Walang mapaglilibangan sa loob ng tren maliban sa pabago-bago at paulit-ulit na tanawin mula sa labas ng bintana. Kaya madalas naging gawain ko ang obserbahan ang mga kapwa ko pasahero. Iba-iba sila. Ang tawag sa kanila ay “diversity”.

Nakailang sanaysay narin yata ako tungkol sa mga byahe ko sa LRT. Pero ngayong muli akong nagbalik sa ganitong realidad, may ilang pagbabago akong napansin. Hindi iyon ang pagdoble ng bilang ng pasahero. Pwede ring sabihin na ang pagbabagong tinutukoy ko ay ang mga patalastas na nagkalat sa bawat flatform o ang mga vendo machine na nagmukhang malalaking locker dahil hindi naman magamit.

Pero hindi ang mga iyon ang tinutukoy ko. Dahil ang mga iyon ay hindi pagbabago kundi parte na ng buhay ng nakakapagod na tren.

Nalilimot ng ilog ang lahat
ang lahat
maliban sa pinanggagalingan.
Kaya kailangan nitong
bumaba-umakyat ng mga gulod,
makipagsapalaran sa mga bangin
at pangil ng talampas,
magpasikot-sikot sa kapatagan,
kumiwal-kiwal sa bato’t ugat
upang maantala
o masalungat
ang pagwawakas na yakap ng alat.
Marahil, natutulog lamang ito
ngayon
sa ilalim ng burak at basura,
nagtitipon ng bagong lakas,
nananaginip ng pagbabalik
sa sinapupunan ng Inang Bukal.

Papunta akong Katipunan ng makilala ko ang isang tula ni Rio Alma. Hindi ko kilala si Rio Alma ng mga oras na yon pero nagising ako sa kanyang pagbati. Ang tula ni Rio Alma na tahimik na nakapaskil sa uluhan ng mga pasahero ay sumasalamin sa araw ko na iyon. Pinilit kong kinuhaan ng litrato ang tula pero hindi ako nagtagumpay dahil mauga ang tren.

Simple lang ang mensahe sa kin ni Rio Alma: saan ka man bumiyahe, saan ka man dalhin ng paa mo, anong oras ka man umuwi, ilan tao man ang makilala mo sa araw-araw, ilang kamalian man ang magawa mo sa iyong buhay, at anong pagbabago man ang maabutan mo mula sa lugar na iyong iniwan, babalik ka pa rin kung saan ka nagsimula.

Pagod ka man o hindi. Luhaan ka man o nakatawa.

Nasa tren ka man o nasa ilog.

 

 

 

*Salamat sa http://fliptribe.blogspot.com/

 
Leave a comment

Posted by on June 28, 2009 in Portfolio