RSS

Monthly Archives: November 2008

Sakit sa Batok

Ito ang stage sa buhay ko kung saan madalas kong nararamdaman ang madalas na pagsakit sa batok ko.

Hindi ko alam kung senyales ba yun ng isang uri ng sakit o resulta lang ng mga nangyayari sa araw-araw. Stress ako sa paraang hindi para bang wala akong ibang napapansin kundi ang mabagal na takbo ng oras.

May mga bagay naman na gustong-gusto kong gawin pero hindi ko pa pwedeng gawin sa ngayon kaya ramdam ko na para lang akong nagbibilang ng segundo. Nakaharang ang mga rehas. At pilay ang mga orasan.

May mga nagbago sa araw-araw. May mga tao sa paligid ko na nagpakita ng pagbabago. Yung iba lubos kong ikinatuwa. Yung iba naman, sakit lang sa ulo. Yung iba, deadma.

Hinahanap-hanap ko yung uri ng pressure na hindi ko na namamalayan ang oras. Sa ngayon, hindi ko namamalayan ang oras dahil pinapatay ko ang oras mismo. Tulad niyan, patapos na pala ang November, hindi ko agad namalayan.

Pagsakit sa batok ang nararamdaman ko dahil natutulog ako sa pagkakataong pwede ko pang gawin ang mas importanteng bagay. At mas napapagod ako sa byahe kesa sa mismong trabaho ko.

Pagsakit din sa batok ang nararamdaman ko pag gusto kong kausapin o makasama ang isang tao pero hindi ko magawa, dahil pwedeng busy siya, o kaya naman nasa malayo, o kaya naman may hadlang na wala sa aking kontrol.

Pag walang tawag na dumadating sa trabaho, nakakatulog ako at nagigising nalang ako na masakit ang aking batok. Muli, isang resulta ng pagkainip ang lahat.

Hindi ko alam kung kelan gagaling ang sakit na yon. Ang maghapong ito ay sakit sa batok. Buti nalang nakatext ko yung isa kong kaibigan, malapit na kaibigan na nasa malayo, hindi ko alam kung kelan ko ulit siya makakatext.

Masakit ang batok ko maghapon. Wala akong na-achieve.

Wala yatang milagrong nangyari sa paligid ko. Maliban sa paglubog at pagsikat ng araw.

Walang layunin ang lahat.

Mamaya sisikat uli ang araw. Tapos hihintayin ko lang ulit na magdilim.

Paulit-ulit.

Ngayong araw na to, nadiskubre ko ang isang uri ng sakit na wala pang lunas ng siyensiya.

Advertisements
 
3 Comments

Posted by on November 24, 2008 in Uncategorized

 

Dalawang Taon at Tatlong Maria

Wala na sigurong mas sasaya pa sa mga moments na pwede mong balik-balikan habambuhay. 21 palang ako ngayon. Or should I say, 21 na ko ngayon. At ilan taon na rin ang nagdaan sa life ko na puno ng masasaya at malulungkot na eksena. Hindi ko pa naman birthday. Nagising nalang kasi ako one morning at napansin na napakabilis lang ng panahon.

Tulad niyan, hindi ko na-realize agad na tapos na ang mission ni Jarel at nakauwi na siya sa kanila ngayong mga oras na to. Eh samantalang until now, tandang-tanda ko pa rin ang huling araw na kasama namin siya before namin siya ihatid sa MTC, 2 years ago. Masasabi kong mabilis lang ang lahat. Pero kung iisa-isahin, matagal din. Marami kasing happening at memories, maging mga significant events ang dumaan sa loob ng mga nagdaang taon.

Isa sa mga weaknesses ko ay ang mag-move on. Usually, madalas nasa isip ko ang nakaraan to the point na hindi ko na namamalayan na may bukas pang darating. Kung bibigyan nga ako ng isang wish kung ano ang gadget or bagay na gusto kong mapasakin, hihilingin ko ang isang Time Machine. At tiyak baka tumanda nalang ako sa kakapunta or kakabalik sa nakaraan gamit ang Time Machine na yon.

Dahil sa pag-uwi ni jayjay from mission, napunta ang usapan namin sa GM sa mga memories nung kami’y mga Primary pa. Nagulat ako sa reaction ng mga ka-GM ko. Mas marami pa pala silang naalala kaysa sa kin, at ang iba dun ay naalala ko lang ng mabanggit nila sa kin. Maghapon ng remiscing ang nangyari sa GM pero isang masayang text messaging yon. Hindi man naka-relate ang lahat, ang point ay minsan masarap pa ring balik-balikan ang mga pangyayari na hanggang sa isip mo nalang makikita.

Tumingin ako sa langit ngayong gabi, at muli ko na namang nasilayan ang tatlong maria na walang kupas magningning. Yun lang ang group of stars na tinitingala ko sa gabi saan man ako mapadpad, sa PUP, sa Dipaculao Aurora, sa Tarlac, sa Pangasinan, sa El Dorado, sa Ortigas, kahit saan. Hanggang ngayon, naroon pa rin ang Tatlong Maria. Hindi nagbabago. Saksi sila sa mga ala-ala ko. Dahil alam kong nagmamatyag lang sila sa bawat lugar na napuountahan ko.

Ngayon, umuwi na si Jayjay. Malakas pa ang hang-over niya at hindi pa nagpapayakap. Magiging mahirap ang adjustment pabalik sa reality pero tyak na mas magiging masaya na siya ngayon. O siguro mas magiging magulo. Pinagmasdan ko ang mukha niya. Hindi ko lubos maisip pa rin na tapos na ang kanyang The Best Two Years. Yung dalawang taon ay parang dalawang malayong talon na naganap lang sa isang iglap. At hanggang hindi ko pa rin matanggap na tumatakbo ang oras ng napakabilis na parang hindi kapansin pansin sa una.

Mahirap mamuhay sa nakaraan. Pero minsan mas masarap pa rin yon.Patuloy ang mga pagbabago sa paligid. May masayang pagbabago, may malungkot na pagbabago, at may mga pagbabago na matagal mabago o pabago-bago. Ano man yon, kailangan lang mag proceed sa kasalukuyang nangyayari. Tyak dadami pa ang mga memories na babalik-balikan forever, or memories na sana wag nalang mangyari.

Mabilis ang oras. Kailangan nating magmadali lahat.

 
Leave a comment

Posted by on November 13, 2008 in Uncategorized

 

FEB 25

“… alam mo ba last week nakatanggap ako ng departure letter… ayy nako hindi ko alam kung ano gagawin ko pero hindi ako trunky ha sad nga ako eh kc malapit na tatlong buwan nalang nga eh uuwi na ako..

“…malapit na ang pasko yung gift ko ha wag u kalimutan ha  ok ba friend miss na kita talaga, oo d2 parin ako sa angeles (zone), sa  wednesday zone con namin at ako ang speaker naka kakakaba hoy pag pray mo ako ha para makaya ko ok ba cge love ingat ha…feb 25 ako uuwi,,,,”

-Elder Ramirez, Angeles Mission, isang kabatch

Nagulat ako. Para bang bigla akong nagkaroon ng taning.  Napansin ko na naman ang katotohanang nauubusan na ko ng oras. Minsan hindi na ko makahinga. Pero pilit lang akong tumatakas. Nagpapanggap. Kaya minsan,  hindi ko na kilala ang sarili ko.

Madaling tumawa. Pero hindi madaling magkunwari kung nasa isip mo lagi ang katotohanan.

Paubos na oras. Mga tatlong buwan mula ngayon.

 
Leave a comment

Posted by on November 3, 2008 in Uncategorized

 

Malapit Na Nga Ang Pasko

“You will learn to let things be, if you realized that what is more important is the PERSON, and not the ISSUE.”

Isang umaga nabasa ko sa inbox ko ang text message na yan. Napaisip ko nang malalim. May punto ang text message. Siguro kada araw nakaktanggap ako ng mga 30 quotes at ilan lang sa mga iyon ang masasabi kong makabuluhan. Sa pagkakataong ito, may isang bagay akong naisip, naalala at nagising ako bigla sa mga mas mahahalagang bagay, o marahil mas dapat kong sabihin na mas mahahalagang tao.

Naisip ko lang bigla na kaya madalas nagiging malungkot ang tao ay dahil marami siyang inaasahang bagay, pangyayari o tao na kapag hindi naganap o naisakatuparan ay maaring maging sanhi ng kalungkutan. Kumbaga, marami tayong “expectations” sa buhay. Hindi natin namamalayan na may mga pagkakataon na madalas o minsan kailangan nating mag-isip ng mababaw upang maging masaya.

Humahanap tayo ng mga kasiyahan sa mga pagkakataong nais lang nating maging masaya. Hindi natin napapansin na minsan, yung mga hindi napapansin ang tunay na magbibigay kulay sa atin.

Parte na siguro ng buhay ko yung sakit na tinatawag na “pride”.

Ewan ko ba. Pero biglang lumala ang sakit ko na yan mula ng makilala ko ng husto ang sarili ko.  Hindi ko alam kung nagmula ba yan kay ina o kay ama pero ang malinaw sa kin, taglay ko yan sa dugo ko na halos isang maduming tubig na naglalason sa mga bagay na mas ikakaligaya ko sa araw-araw.

Kamakailan bigla akong nauntog.

Nagising ako isang umaga at iniisip ko kung sino yung mga tao na napektuhan ng sakit ko na yon. Aminado ako, minamahal ko ng husto ang mga maling pagkakamali kaysa sa taong nakagawa nito. Mas napapansin ko madalas ang mga pagkukulang sa halip na maging kuntento sa kung ano ang ipinamalas sa kin. Lahat may pagkukulang. Lahat ng tao ay nakakasakit ng kapwa tao. Pero mas masakit kung uunaghing isipin ang pagkukulang ng kapwa at isantabi ang dapat sanay magiging maligayang mga sandali.

Sa madaling sabi, mas nasa isip natin ang tampuhan. HIndi natin namamalayan na yung mga panahong baon tayo sa tampo ay dapat sana ay iginala na natin sa SM o ipinangpanood na natin ng sine. Nagsawa pa sana tayo sa tawanan. O mas naging malalim pa sana ang pagkakaibigan.

Hindi ko maiwasang maging isip bata.  Hindi ko maipagkakailang nung mga nagdaang panahon, oras, linggo o buwan, may mga bagay akong pinanghihinayangan. Naging madamot ako sa kabilang banda. At naisip ko nito lang na wala na kong ibang naging karamdaman kundi yung maduming tubig na nasa ilalim pa rin yata ng mga balat ko. Masakit sa kin na isipin na may mga nasayang na araw. O kaya naman masakit sa kin na isiping na sana mas naging masaya kami kung inisantabi ko agad ang mga pagkukulang at nanatiling maging masaya kesa ang maging makatarungan.

Sa tingin ko, huli na para manghinayang. Pero hindi pa huli upang sulitin ang mga natitirang oras o ang mga susunod na pagkakataon upang ayusin ang lahat. Naisip ko, sa tuwing may problema, nagsisimula yun sa kung sino ang nakaramdam na may problema.

Madalas natatalo tayo ng sarili nating paligsahan.

Madalas tayo ang biktima ng bitag na ginawa natin.

Marami ang nasasayang. At marami ang nakakapansin.

Hindi madali ang lumunok ng tipak ng bato. Hindi madali ang magpatama sa mga bato na inihahagis ng mga pagkakamali o pagkukulang. Pero kung puno tayo ng pagpapahalaga sa mga mas importanteng bagay, maiisip natin sa bandang huli, marahil, tayo pa rin ang mananalo.

Salamat nalang siguro at nauntog ako. Hindi ko naisip na kailangan ko nang magmadali. Tumatakbo ang mga panahong napuno sana ng mga mas masasayang sandali. Naisip ko yung dalwang batang lalaki na naglalaro ng lupa at maya-mayay nag away. Nagbatuhan ng buhangin at nagsumpaan na hindi na magpapansinan kahit kailan. Pero wala pang sampung minuto, bumalik sila sa paglalaro at naging matalik na magkaibigan habambuhay.

Isang kaibigan ang nagpasa ng text message na yon isang umaga. At naisip ko, tama yon. Sakto. Tama. Sabi nga ng isa ko pang kakilala,

“Ang sweet. Lapit na talaga ang pasko, dami nang nagbabatian.”

 
Leave a comment

Posted by on November 2, 2008 in Uncategorized