RSS

Monthly Archives: July 2008

Circumferential Road

Hindi ko agad napansin. Araw-araw ko palang dinadaanan. Hindi ko agad naaalala. Narito lang pala ako sa lugar sa kung saan sumibol ang kasaysayan ng aking kwento.

100_0727_1

Ito ang isang gate na matatagpuan sa kahabaan ng Circumferential Road sa Baranggay San Roque ng Antipolo. Kung nagawi ka na sa Ynares Center, malamang nakatapak ka na dito.  Puno ng ala-ala ang gate na yan. Malinaw pa rin sa kin ang mga yon. Kahit hindi ko na rin maisa-isa sa katagalan.

100_0732

Mula ng ipanganak ako, tila nalibot na rin namin ang buong Antipolo. Isa sa mga makasaysayang pook ang Nubla Compound. Dito ko lubusang nilaan ang mga panahong masarap pa ang magyapak at humiga sa kalsada. At sa pagkakatanda ko, kasisilang lang din ng Super Palengke ng mga panahong yon. Tila ba nakisabay sa pagsilang ng aking pagkabata.

100_0731

Marami na ring pagbabago ang naganap.  Mga labintatlong taon na ang lumipas mula ng huling tumuntong ang mga paa ko rito. Marami akong naipong ala-ala kasabay ng pamilya ko. Maraming kwento ang nabuo. Bawat dangkal ng gate na to, maging ng bawat aspalto o kahit puno, saksi sa kung paano ko sinimulang kilalanin kung ano ang kaligayahan, o kung ano ang buhay. Aminado akong malaki na ang pinagkaiba ng noon sa ngayon.

100_0729_1

"Dyan lang po sa gate na pula," yan ang paraan namin upang patigilin ang trycycle kapag galing kami sa palengke. Sa dinami-dami ng mga pagbabagong nangyari sa Nubla Compund, at sa dinami-dami na rin ng mga nagdaang kwento ng aking buhay, nakakatuwa pa ring isiping tulad ng mga alala, hanggang ngayon, pula pa rin ang gate.

100_0736

Bukod sa gate, isa sa mga marka ng aking pagkabata ay ang makasaysayang tower ng Channel 5. Lumaki ako na black and white lang ang tv namin. Umabot ako sa edad na 16 na hindi ko alam kung paano gumamit ng remote control. Pero maipagmamalaki ko na malinaw ang Channel 5 sa tv namin, Natatandaan ko pa ang Sailor Moon, Wow Mali kung saan nanggaling si Pekto, Tropang Trumpo, at Que Horror ni Ai-ai DeLas Alas. Masaya akong makita na hanggang ngayon, matayog pa rin ang tower ng Channel 5. Sa karagdagan, katabi niyan ang lumang mansyon ni Marcos.

100_0735

Madalas akong maglaro. Madalas bumubukas lang ang gate kapag may idi-deliver na tela sa pabrika ng sapatos kung saan nagtrabaho din si Mother. Madalas sinisilip ko ang Circumferential Road mula sa mga gilid na ito. Kasabay nun ang pakikipaglaro ko kila Apple, MJ, Bokayo, Ramil at Rommel na hindi ko na alam kung saan na pinadpad ng kani-kanilang kapalaran. Basta ang malinaw sa kin, sa mga kalyeng ito nalaman ko kung ano ang pakikipagkaibigan.

100_0730

Naalala ko pang tomboy lagi ang gwardiyang nagbabantay. Buhay na buhay ang Nubla Compound noon sa dami ng mga bisita at manggagawang labas-pasok. Ang bahay namin ay sa loob ng butas na yan at kelangan pang lakarin ng mga isa at kalahating kilometro. Ngayon ko lang napansin ang butas. Isa yan sa lamat ng kasaysayan na hindi ko rin agad nadiskubre. Pero kung sino man ang mga sumilip sa butas na yan, alam kong hindi ako isa sa mga yon.

100_0734

Galing ako sa Ynares matapos magjugging ng mapadaan ako sa kalyeng saksi ng aking pagkabata. Isang umaga yon ng sabado. Sa sandaling mga minuto, binalikan ko ang ilang taong puno ng makukulay na saya, lagim o kalungkutan. Ngayon, bente uno na ko. At nakatira na kami sa El Dorado mula pa July 28 1996. Pero hanggat nasa loob ng Antipolo ang aking kaluluwa at dinadaanan ko pa rin ang Circumferential Road, hindi ko lubos maisip na kalimutan agad ang lahat, Tahimik na nagmamatyag ang gate sa bawat kilos ng mga sasakyan at yabag ng mga tao. Marahil isa ako sa maari niyang maka-kwentuhan tungkol sa mga karanasang hindi mabubura ng oras.

Advertisements
 
1 Comment

Posted by on July 9, 2008 in Uncategorized