RSS

Monthly Archives: March 2008

BLURR

Mag-isa nalang si nena sa bahay.

Napapamura mag-isa.

Naiinip. Natatawa.

Nanonood habang nakapikit.

Naglalakad at nagpupuyat sa gitna ng katanghalian.

Nalilito. Nalulungkot.

Galit sa isang sing-sing.

Nagbabad nalang sa internet.

Nagtya-tyaga sa kalan.

Humuhuthot ng tuyong dahon ng abokado.

Nagpapalayas ng nagnanakaw na pusa.

Nagpapahangin habang iniisip ang nangyari na.

Iniisip ang hinaharap na walang simula, walang katapusan.

Walang plano. Walang tagumpay.

Gumigising araw-araw para matulog gabi-gabi.

Nagpapanggap. Nagsisinungaling. Umaasa.

Ang pag-iisa ni nena ang nagpapaalipin ng kanyang nakaraan.

Advertisements
 
Leave a comment

Posted by on March 31, 2008 in Uncategorized

 

TO: ALEXANDER DUCA

TO: ALEXANDER DUCA
Congratulations!

You have been chosen as one of the 80 participants to the 1st I-WITNESS DOCU SEMINAR.

The seminar will be on APRIL 5 (SATURDAY), 10:00 A.M. to 9:00 P.M. at FUNCTION RM. B, MEGATRADE HALL, 5th Flr. SM MEGAMALL Bldg. B, Mandaluyong City. Please bring an identification card on the day of the event.

Please confirm your attendance by replying to this e-mail. For questions and clarifications, you may contact me at *************or ************ local 1419.

Thank you very much and congratulations! See you at the seminar!

Jenny Licen
Special Projects Coordinator
I-Witness

FROM HOWIE SEVERINO’s BLOG http://gmapinoytv.igma.tv/sidetrip/blog/index.php?/archives/342-List-of-docu-seminar-participants.html#extended

Wednesday, March 26. 2008

ETO ESSAY ENTRY KO:

Si Lolo at Kanyang Mahiwagang Aso: Isang kwentong hindi ko malilimutan na nakalimutan ko na.

Siguro isa ako sa libo-libong nalilito ngayon. Hindi ko na kasi matandaan kung ano ang pinaka nagustuhan kong episode ng I witness dahil kung iyon ang itatanong sa ‘kin, marami talagang pumapasok sa isip ko. Kaya’t umabot na ko sa araw ng deadline kaiisip kung alin sa mga iyon ang maari kong itampok sa aking sanaysay.

Matapos ang mission ko, isa marahil sa hindi ko makakalimutan sa mga tinampok ng I-witness ay ang kwento ng isang aso at ng kanyang amo na sabay na humaharap sa buhay upang mabuhay. Syempre hindi ako mayaman. Mahilig din ako sa aso. At kahit nakakakain ako ng tatlong beses sa isang araw, alam ko kung ano ang kahirapan at ano ang mahirap.

Iyon ang tipo ng kwento na tumatak sa alaala ko. Isang biswal na salaysay kung paano natin dapat diskartehan ang buhay, sa kahit anong paraang magagawa natin. Minsan o madalas, sa paglalakad ko sa mga kalye ng Maynila noong nag-aaral pa ‘ko doon, naisip ko na rin na ang bawat makakasalubong kong tao ay may kanya-kanyang kwento. Bawat kalsada, bawat overpass, bawat humps, may binubulong na salaysay. Hindi man ako nagkaroon ng pagkakataong makikila ang mag-among aso at isang lolo, alam ko marami sa paligid ang tulad nila. Nilalampasan ko lang. O di kaya’y nakatakdang makasalubong ko ulit sa ibang pagkakataon.

Hindi ako dog-lover pero kamakailan ay namatay ang aso namin. Tila ba hinintay lang ang pag-uwi ko mula sa mahabang paglalakbay. Para bang hindi niya namalayan na namatay na siya. Hindi siya naturuan kung paano mag 1+1=2. At hindi rin siya nakatikim ng ano mang dogfood o sabong safeguard.

Pero sa haba ng paglilingkod niya sa kin at sa aking pamilya, alam ko, ang tawag din sa kanya ay matalik na kaibigan, tulad ng naaalala ko sa kwentong aking tinutukoy.

Ang kwentong iyon, ay tumatak sa damdamin ko. At tulad ng ibang kabanata ng I-witness, iyon ay umapekto, nag palawak at nagpaunawa sa ‘kin kung paano ang simpleng kaganapan, tao o hindi, natutunghayan man natin sa kalsada o sa pinakamaliit na sulok ng daigdig ay maaring magpabago sa susunod nating mga kwento sa buhay.

Mayroon lang akong isang problema sa kwento ni lolo at ng kanyang aso, hindi ko na matandaan ang pamagat.

 
5 Comments

Posted by on March 26, 2008 in Uncategorized

 

WELCOME HOME

Hindi namalayan ng aso namin na namatay na siya. Nagising nalang ako isang umaga inilibing na ng nanay ko ang aso namin na ilang taong din nilambing ng aking mga kamay.

Madalas kong makita yung aso namin na mag-isa at nag iisip. Pinili niyang huwag lumabas ng gate kahit marami sana siyang makikilalang ibang aso sa kalsada. Kontento na siyang nakahiga sa tapat ng bahay, nasa silong ng puno ng abokado, tahimik at nag-iisip. Siguro nagmamasid.

Sa mata ng aso namin, nakita ko ang simpleng pananaw ng buhay. Walang ibang ginagawa yun kundi maghintay ng bubukas ng gate, o magbubukas ng pinto ng kusina sa gabi. Simple lang, pagkain at tubig. Walang kalungkutan. Marahil.

Hindi ko na rin matandaan kung alam ba ng aso namin na umalis ako sandali at matagal ding hindi ko nahipo ang kanyang noo. Hindi ko rin alam kung alam niya na hindi ko alam na may gate na pala kami. Basta nagulat nalang siya isang umaga ng Lunes nang bigla akong dumating sa panahong inakala lang niya na pangkaraniwang araw.

Nagulat siya. Tulad ng mga taong nagulat sa pagbukas ko ng kani-kanilang gate ng bahay. Marami ang nagulat. Nagulat ang puno ng avocado. Nagulat ang parol na dalawang taon nang nakasabit sa harap ng bintana namin. Nagulat ang mga kawayan na inupuan ng mga mahahalaga kong kaibigan. Kahit ang salamin na hindi yata nagalaw, nagulat din ng makita ako.

Pero sa lahat ng nagulat sa pagdating ng kanilang amo, ang aso namin ang gumawa ng pagsalubong na hindi ko malilimutan. May kantandaan na siya kahit ilang buwan lang ang lumipas. Pero kahit ganoon, masigla pa rin niyang iginigiwang ang kanyang buntot. Bawat hibla ng kanyang balahibo, puno ng pagkasabik.

Walang pagdududa.

Walang tanong.

Walang pagtataka.

Nang mga sandaling yon, kinumpleto ng aking aso ang nabitin kong byahe sa malayo. Nang muli kaming magkita, isa lang ang naintindihan ko sa kanyang mga mata at kilos, na masaya siya sa muli kong pagbalik at magkakaroon pa kami ng ilang panahon para pasayahin ang isat-isa. Hindi ko agad yan nalaman.

Magulo ang mga oras na yon. Pero para sa aso ko, tila ba isang pagdiriwang ang magaganap. Lingid sa kaalaman niya, malapit na ang mga huling sandali ng kanyang pagtatahol.

At hindi ako nagkamali. Kasabay ng paglamig ng hangin, unti-unting humina ang aming aso. Hindi na siya kumakain. Hindi na tumatakbo. Tumatahol lang pag may naririnig na tsimis tungkol sa psycho-killer. Pero bukod dun, inuubos nalang ng aming aso ang kanyang oras sa paghinga at sa pag-iisip, marahil sa nakaraan o marahil sa magulong hinaharap, kung meron man.

Minsan, naisipan kong paliguan siya. Hindi ako nahirapan. Masaya akong makitang malinis siya ulit. Sa kanyang nanghihinang tingin sa kin, nagpasalamat ang aming aso. Siguro hinintay niya ang pagbalik ko para mapaliguan ko pa siya. Siguro hiniling niya sa Diyos na sana maputol ang byahe ko sa malayo upang bumalik ako agad, dahil alam na niya siguro na bilang na rin ang kanyang oras. At kung hihintayin pa niya ang nararapat na panahon, baka hindi ko na siya mapaliguan.

At dumating na nga panahon. At paunti-unti, nauunawaan ko ang lahat. Walang pagdududa. Walang tanong. Walang pagtataka. Nagkita kami ng aso ko sa panahong hindi namin parehong inaasahan. Pero pinakita naman niya sa kin ang pagtitiwala na hinahanap ko buhat sa aking una kong pagbukas ng gate.

 
Leave a comment

Posted by on March 11, 2008 in Uncategorized

 

Pusa

Sa ngayon, hindi ko alam kung ano ang address ko o kung anong jeep ang sasakyan papunta sa lugar na gusto kong puntahan. Wala na kong pamasahe sa mga destinasyong minsa’y pinlano kong tapakan. Hindi ko na alam kung paano bya-byahe dahil hindi ko narin alam kung saan ako pupunta. Nasa gitna ako ng kalsada ngayon dahil pinili kong bumaba sa jeep na maghahatid sana sa kin sa lugar na pinangarap kong tirahan. Bumaba ako sa jeep sa gitna ng mabilis at matulin na byahe. At ngayo’y tila ba walang sumusundo sa kin.

 
Leave a comment

Posted by on March 6, 2008 in Uncategorized

 

Untitled Post

Sa ngayon, hindi ko alam kung ano ang address ko o kung anong jeep ang sasakyan papunta sa lugar na gusto kong puntahan. Wala na kong pamasahe sa mga destinasyong minsa’y pinlano kong tapakan. Hindi ko na alam kung paano bya-byahe dahil hindi ko narin alam kung saan ako pupunta. Nasa gitna ako ng kalsada ngayon dahil pinili kong bumaba sa jeep na maghahatid sana sa kin sa lugar na pinangarap kong tirahan. Bumaba ako sa jeep sa gitna ng mabilis at matulin na byahe. At ngayo’y tila ba walang sumusundo sa kin.

 
Leave a comment

Posted by on March 3, 2008 in Uncategorized